Wednesday, November 04, 2015

Harana Chapter 6: I'm SOIRÉE My Love

Past Harana Chapters:

* Chapter 1 * Chapter 2 * Chapter 3 * Chapter 4 * Chapter 5
      



Harana Chapter 6: I'm SOIRÉE My Love

"Uhh...the group's going to perform there Ash", muttered Trey habang nakatingin kay Ash.

Hindi sumagot si Ash, tila iniisip kung ano ang sasabihin.

"Just bring your ass there, I'm going to be there anyway. We can go there altogether for all I care", dugtong ni Trey.

"Saan ba yun, e di ko nga alam", sagot ni Ash.

"Ask Ceres then. Anyway, let’s finish this MBB module now”, sabi ni Trey.  

Huminga ng malalim si Ash at tinulungan si Trey sa pagsagot ng module na kailangan niyang makumpleto para maihanda ang sarili sa MBB long exam.

~~~

Pag-uwi ni Ash sa dorm, binuklat niya ang Physics textbook at nagsimulang magbasa at magsagot ng mga problem set para sa long exam niya sa Biyernes. Pagkatapos ng exam na iyon, puwede na siyang magpakasaya sa event ni Ceres. Nabawasan ang kaniyang pagkabahala sa dami ng mga gagawin niya at nabuhayan ang loob niya nang maalala niya ang sinabi ni Trey sa kaniya kanina: “We can go there altogether for all I care”.

Mga sari-saring tanong ang lumitaw sa practice problem set. Mabilis lang dinaanan ni Ash ang mga unang apat na tanong bago siya dumating sa ikalimang tanong. Kailangan niya matutunan kung paano sagutin ang problem set nang makayanan niyang harapin ang exam. Ngunit habang nagiisip siya kung saang free fall equation siya magsisimula, napatingin siya sa kaniyang cellphone at naisip kamustahin si Trey: "Nakauwi ka na ba? Kumain ka na ba?", katulad lang ng pagtatanong ni Trey sa kaniya kaninang lunch kung nakakain na siya ng pananghalian.

Napigilan niya ang sarili niya at bumalik siya sa pagsagot ng mga problem set.

Pumasok si Kurt sa kuwarto, maasim ang amoy dahil sa pawis. Katatapos lang ng laro nila ng basketball kasama ang mga ibang lalaki sa dorm.

"O, nag-aaral ka na pala", ani Kurt.

"Oo, kailangan e."

"Hinahanap kita kanina, yayain kita sana maglaro. Pero wala ka pa e."

"OK lang, hindi rin naman kasi ako magaling diyan e."

Pinunasan ni Kurt ang kaniyang pawis at hinubad ang suot niyang sando at sumilip sa problem set na sinasagot ni Ash.

"Hindi ko masagot 'tong number 5 e…", reklamo ni Ash.

"Ah teka ha basahin ko nga 'yan. Sorry ha, baho ko na e."

Binasa ni Kurt ang problem.

"Hmm…medyo kakaiba nga 'tong tanong na ito ah", sabi ni Kurt na papaupo na sa silya at kukuha ng lapis at papel sa mesa ni Ash.

Habang sinasagot ni Kurt ang problem, pinagmasdan ni Ash ang hubog ng katawan nito. Ang moreno niyang kutis, ang matikas na kabuuan ng anyo ni Kurt. Habang minamasdan niya ang katawan ni Kurt, naisip niya ang hubog ng katawan ni Trey na nakita niya sa kaniyang panaginip.

"Ash…Ash? Huy Ash? Pagod ka na ata e".

Biglang nagbalik ang isip ni Ash sa problem set, at nagpaliwanag si Kurt tungkol sa kaniyang solution.

~~~

May mahabang break si Ash sa pagitan ng kaniyang mga klase at tumungo ito sa library para mag-aral para sa kaniyang long exam bukas. Hindi pa rin niya maintindihan nang lubusan ang solution ni Kurt. Sinubukan niya magsagot ng mga natitira pang tanong sa problem set. Umaabot siya ng higit kalahating oras sa pagsagot ng isa. Hindi ata pupuwede ang ganoong kabagal na pagsagot sa exam bukas.

Dahil sa pagkabahala, minarapat na lang ni Ash na tignan na lamang ang mga unread messages ng kanyang cellphone

Isang message galing kay Ceres:

“Hi Ash, regarding the event tomorrow, in case you will come, it will be held at Albergus at the Capitol Hills Golf and Country Club. Do you know how to get there?"

"Capitol Hills Golf and Country Club?" tanong ni Ash sa sarili. Palibhasa kakaunting lugar pa lamang ang alam ni Ash sa Maynila. Binuksan niya ang Google Maps at nakitang malapit lang pala ito sa UP.

Bago pa sinagot ni Ash ang text ni Ceres, nakatanggap siya muli ng text mula rito.

"We can go there together tomorrow. Just text back to confirm. I’ll leave UP at 7:30pm. Meeting place TBD.”

~~~

Alas-diyes ng umaga nang idinaos ang pagsusulit sa Physics. Dalawang oras ang tagal ng exam. Sa labis na dismaya ni Ash, ang mga problem na lumabas ay hawig o mas mahirap pa sa mga practice problems na kung saan siya nahirapan. May limang minuto pa bago matapos ang exam ay tumayo na si Ash at binigay ang mga papel sa guro at lumabas ng lecture hall. Naisip naman niyang hindi na rin niya kakayanin at excited na rin siyang pumunta sa soiree mamayang gabi.

Dinukot ni Ash ang cellphone sa bulsa at nagdalawang-isip na magpadala ng text kay Trey. Bukod sa magtatanong siya kung paano pumunta sa Albergus, gusto rin niya sana makisabay kay Trey, kahit man tumakbo na sa isip niya na maaaring makaabala siya dahil busy si Trey para sa kanilang performance sa soiree.

Lumipas ang ilang sandali at nagkaroon na rin ng lakas ng loob si Ash na magsabi kay Trey.  

“Trey, do you know how to get to Albergus? Kung hindi naman masyado makaka-abala, can I ride with you later?” text ni Ash kay Trey.

Pinasok ni Ash ang cellphone sa bulsa ng kaniyang pantalon nang hindi inaasahang sasagot agod si Trey. Tumungo siyang naglalakad papunta sa The Snack Shack para bumili ng hamburger. Naisipan niya kasing pakainin ang sarili ng matagal na niyang inaasam-asam na burger. Habang naglalakad siya papunta rito, tumawag si Trey.

“What’s with Albergus?” pambungad na tanong ni Trey na hindi man lang nagsabi ng  “Hello”.

“Ah...duon daw gagawin ‘yung sa Psych Circle.”

“Oh is that so? Wait, you don’t know how to get there!? It’s easy, Ash. You can take a cab, or take a jeep going towards Commonwealth. Then get off at the road after Ayala Heights…”

“Trey...please? Puwede bang makisabay na lang?”, tanong ni Ash na sa tono ng pagtatanong ay hindi maintindihan kung tinatamad lang talaga siyang sundan ang mga direksyon ni Trey o nagmamakaawa siyang sumabay dito.

“Uggh...talagang kailangan mong makisabay? OK OK, I have stuff to finish at home, so you’d have to tag along with me sa bahay. See you 5PM, same spot.”

"FC?"

"Yup. Later", at pinutol na ni Trey ang tawag.

~~~

Pagdating ni Ash sa The Snack Shack ay nagulat siya nang nadatnan niyang nakapila rin si Ceres na kasama sina Girlie at Jerson. Nabuhay ang paligid sa paguusap ng apat na magkakaibigan. Halos balewala na lamang sa kaniya na maaaring mababa ang markang makukuha niya sa kaniyang Physics exam; ang mahalaga ay kasama niya ang mga kaibigan. Kinagalak rin niya na susunduin siya ni Trey mamaya at sabay silang pupunta sa soiree.

"Hey Ash, I've got something to tell you", ani Ceres na mistulang may ipagtatapat. Si Girlie at Jerson ay nahiwalay sa sarili nilang usapan.

"Huh? Ano yun, Ceres?" tanong ni Ash.

"Well, just like what I've said before, me asking you to go on a date with me, there's no pressure about it right?"

"Ah, eh, Ceres, hindi naman kasi sa ayaw ko, pero, iniisip ko lang na baka ma-disappoint kita", sabi ni Ash nang iniingatan kung anong mga salita ang gagamitin. "Sorry", paumanhin ni Ash habang nakayuko sa sahig.

"Ash, don't feel that way. Actually, medyo off nga siguro 'tong sasabihin ko. Sana, 'wag ka magalit. Gusto ko lang sabihin sa iyo, kasi sa tingin ko, maiintindihan mo naman", paliwanag ni Ceres.

"So, ano nga 'yun?" tanong ni Ash.

"Well…you know he's not really the most easy-to-deal-with kind of guy, but he offered himself to be my date for tonight's soiree."

"Sino?", tanong ni Ash.

"Si Trey, Ash."

Nagulat si Ash sa kaniyang narinig at naramdaman niya ang pag-ikot ng kaniyang sikmura. Naisip niya ang usapan noong isang araw sa College of Music canteen at hindi niya mabigyan ng kaugnayan sa malamig na pananaw ni Trey kay Ceres ang biglaang pagpunta ng dalawa sa soiree bilang magka-date. Hindi mapakali si Ash sa kaniyang upuan at nawalan siya ng ganang kainin ang natitirang beef patty.  

Napatingin si Ash sa malayo habang patuloy ang pagtatapat ni Ceres sa kaniya.

"I hope you don't take it wrong. Pero na-figure-out ko lang na, yeah, it's just a bit too much to ask you out as  a "date". After all magkakaibigan naman tayo, so if Trey and I go out as dates sa soiree, it's just for fun. But of course, I do like you, Ash. That's why I took the courage to ask you out. I just wouldn't do that to any other guy right?"

"Ash? Are you OK?" tanong ni Ceres sa katabi niyang nawalan ng imik.

Gamit ang kaniyang palad, pinunasan ni Ash ang kaniyang mukha, at pilit na ibinalik ang sarili sa usapan.

"OK lang 'yon na pumunta tayo sa soiree bilang magkaibigan lang naman, diba?", tanong ni Ash.

"Exactly. There's the label but we don't have to act like there's a label, right?", tanong ni Ceres na nakangiti kay Ash.

"And the word “date” is that label na sinasabi mo?"

“Yes. Exactly.”

~~~

Hindi maunawaan ni Ash kung bakit siya biglang nalungkot. Sa tingin niya'y walang kaso dapat sa kaniya ang nangyari dahil magkaibigan naman silang tatlo. Ngunit, hindi pa niya inaamin nang ganap sa sarili niya na hinahangad niya talaga ang makapiling si Trey.

Hindi rin magawa ni Ash na magalit kay Trey. Hindi rin niya matawag na pag-sulot ang ginawa ni Trey na pag-anyaya kay Ceres. Higit sa lahat, hindi pa ganap na malinaw kay Ash na ang nararamdaman niya ay mayroong kinalaman sa mga aksyon ni Trey at sa mga nararamdaman niya para rito: walang kinalaman si Ceres.

Panay tingin ni Ash sa orasan sa kaniyang cellphone: ang tagal sumapit ng alas-singko ng hapon. Para kay Ash, ang pagkabagabag na dinaranas niya ngayon ay giginhawa lamang kapag makita at makasama si Trey.

“Ikaw nanaman...”, salita ni Ash nang makita niya ang pusang si Estrella Monella na dinidilaan ang sariling mga paa sa ilalim ng shed sa may FC.

Natigil ang pusa sa paglilinis ng sarili at lumingon kay Ash. Tinitigan ng pusa si Ash at tinuwid ang mga tainga na parang may nais pakinggan.

Miaaaaaooo, miaaaaoooo”, nakatitig ang pusa kay Ash, ang mahabang pagbigkas nito ng “miao” ay may bakas ng pagbabadya. Bigla na lang itong tumayo at nag-unat ng mga binti. Yumuko si Ash para hawakan ang pusa, ngunit bigla na lang itong tumakbo papalayo tungo sa parking lot. Nabigla si Ash at lumingon sa mga ibang taong nag-aabang sa ilalim ng shed at nahiya.

Napalingon si Ash nang marinig ang dalawang mahabang busina. Si Trey na pala iyon. Nagmadaling lumakad si Ash at pumasok sa loob ng kotse.

“What’s up? Why are you looking so awkward and weird?”, tanong ni Trey na nakangisi kay Ash.

“Si Estrella Monella kasi.”

“Huh?”

“Ah, yung pusa...yung pusang nakakaiba.”

“Oh, that cat. You actually know her name? Man you’re weird. She’s everywhere. Anyway, let’s head to my pad first. 8 o’clock pa naman magsisimula ang party and I’m sure it’s not going to start on time.”

“Ok, sige”, mahinang sagot ni Ash habang nakatingin sa labas ng bintana.

“Bakit para kang nabuhusan ng malamig na tubig? Aren’t you supposed to be excited for later?”, ani Trey sa nagmumukmok na si Ash.

Napatingin si Ash kay Trey. Pinagmasdan ni Ash ang makinis na kutis ng mukha ni Trey, ang matangos niyang ilong, ang makintab niyang buhok. “Kahit hindi ata siya mag-ayos, bakit ang ganda pa rin niyang tingnan”, isip-isip ni Ash.

“Hey, I’ve got something to tell you”, bungad ni Trey na parang magtatapat.

“Ano yun?”

“I hope you’re not mad or anything.”

Biglang namula si Ash. Nanumbalik ang mga hindi niya maunawaang damdamin kaninang hapon. Nahiya siya sa gulo na kaniyang nararamdaman at napayuko lamang ito.

“Hindi naman sa galit ako”, sagot ni Ash. “Pero, nakakabigla lang.”

“I’m sorry about that. It’s just you wanted me to help you right? It seemed like your ass needed some saving. So I thought I’d ask Ceres out.”

Naliwanagan nang bahagya ang mga bagay na bumabagabag kay Ash. Ginawa lamang ni Trey iyon nang walang tunay na intensiyon na makipag-date kay Ceres, kung hindi ay tulungan siya sa kaniyang problema.

“I hope you’re fine with it. So you can just be yourself and enjoy the night. It’s not like Ceres is my type of girl”, tuloy ni Trey na natatawa sa mga sinasabi niya.

Napatingin siya sa kamay ni Trey--mahahaba ang mga daliri, maputi, makinis, ngunit may mga bakas ng mga ugat. Tumakbo sa isipan ni Ash na hawakan ang kamay ni Trey at maramdaman ang init ng palad nito.

“Sige, OK naman ako talaga”, sagot ni Ash.

~~~

Nagsimulang umulan nang malakas habang tinatahak nila ang kahabaan ng Katipunan. Lumiko si Trey sa Rosa Alvero at dahan-dahang ipinasok ni Trey ang sasakyan sa matarik na rampa pababa ng parking lot ng kaniyang condo.  

Nagulat si Trey at nagtaka si Ash nang may nadatnan silang lalaki na nakasuot ng office barong at may hawak-hawak na baseball bat na nakatayo sa puwesto ng paradahan ni Trey. Narinig ni Ash sa kaniyang isipan ang dalawang mahahaba’t mapagbadyang “miao” ni Estrella Monella kanina. Masamang pangitain ata ang nahatid ng pusang ‘yon, isip ni Ash. Kinakabahan si Ash at napalunok. ‘

“What the fuck is this idiot doing in front of us?” painis na sabi ni Trey.

Lumapit ang lalaki sa harapan ng kotse ni Trey at sinimulang ihampas ito gamit ng baseball bat.

“Trey!” sigaw ni Ash na halos mapalundag sa kinauupuan. Ibinaon ni Trey ang kamay sa busina ngunit hindi pa rin tumitigil ang lalaki sa paghampas.

“Wait inside the car”, sabi kay Ash ni Trey na ngayo’y bumaba ng sasakyan.

Pinanood ni Ash nang may pangangamba ang eksenang nagaganap sa harap niya. Matangkad at maputi rin ang isang lalaking naka office barong. Mukhang mas may edad, matangos din ang ilong. Hindi naman maliwanag sa loob ng basement parking ngunit nakasuot ang lalaki ng shades.

Lalong bumilis ang pagtibok ng puso’t pulso ni Ash nang narinig niyang nagsisigawan na ang dalawang lalaki.

Who are you in the first place, and why did you ruin our wedding? Do you have anything to do with my wife? You should get out of our lives!”, galit na pagsambit ng lalaking naka polo barong, sabay tanggal sa shades.

Tinitigan ni Ash kung sino ba itong lalaking matangkad na sumisigaw kay Trey, para kasing nakita na niya ito sa kung saan man. Nanumbalik sa kaniya ang wedding na binulabog nila sa Batangas. Napahinto ang paghinga ni Ash nung namukhaan niya na ito pala iyong lalaking ikakasal sa wedding na iyon. Bukod dito, lalo siyang natakot sa dahilang nakagawa ng paraan ang lalaking ito na mahanap ang tirahan ni Trey at pumunta rito upang turuan si Trey ng leksyon.  Kumakabog na parang tambol na ang dibdib ni Ash at napahawak siya sa hawakan ng pintuan ng sasakyan, handang buksan ito sakaling may kaguluhang mangyari.

“Now I don’t know how you found out where the hell I live. So that sort of freaks me out right now, but in any case, I know I shouldn’t have done that. I’m sorry, now just leave me alone”, ang malamig na sagot ni Trey sa lalaking nangangatal ang panga sa labis na galit.  

Biglang hinawakan ng kausap si Trey sa kuwelyo ng kaniyang T-shirt, at nanggigigil na dinikit sa muka niya ang baseball bat. “Akala mo makukuha ang kapatawaran sa simpleng sorry lang!?”, bulyaw ng lalaking dapat ikakasal. Mistulang arnis na ginamit ang baseball bat bilang panulak kay Trey. Naduwal si Trey.

Nanlaki ang mga mata ni Ash at binuksan niya ang pinto’t sumugod sa eksena.

Huwag mo siyang sasaktan!” sigaw ni Ash habang nagmamadaling lumapit sa pagitan ni Trey at ng lalaking may baseball bat.  

Bago pa man makaabot si Ash sa pwestong iyon ay naduwal na siya nang tinamaan ang kaniyang sikmura ng baseball bat ng lalaking dapat ikakasal. Hindi pa nakontento ito sa pananakit ni Ash at pinulot si Ash at tinadyakan sa bisig at tiyan.

“What the fuck are you doing!?” sabay sigaw at bangon ni Trey at tumungo sa nakahandusay na si Ash. Tumakbo papalabas ang lalaki habang dumarating ang mga security guard ng condo na naalertohan sa kaguluhang nangyayari sa basement parking.

~~~

Binuhat ni Trey si Ash at sumakay ng elevator patungong 20th flr. ng Residencia de Regina. Pagdating sa loob ng kaniyang pad, hiniga niya si Ash sa kaniyang kama at nagmadaling kumuha ng bimpo, gamot, cold compress, at isang maliit na tabo na pinuno niya ng tubig.

Inabot ni Trey ang cold compress kay Ash at ito’y nilagay ni Ash sa kaniyang braso. Pinunasan nang dahan-dahan ni Trey ang mga galos ni Ash, natatakot na baka masaktan ito. Habang nilalagyan niya ng gamot si Ash sa binti, narinig niya ang mahinang hibik nito.

Napatigil siya sa kaniyang ginagawa at tinignan si Ash. Nangingilid ang mga luha sa mata ni Ash hanggang tumulo ito. Una’y dahan-dahan ang pagtulo ng luha hanggang sa humagulgol na si Ash.

Nilagay ni Trey ang kaniyang kamay sa bisig ni Ash. Alam ni Trey na hindi lang sakit ng katawan ang tinamo ni Ash sa mga nangyari, kung hindi emosyonal. Ngunit, hindi niya alam ang mga dapat sabihin para gumaan ang kalooban ni Ash.

“I’m really sorry”, sabi ni Trey.

Inabot ni Ash ang bisig ni Trey at nilapit ang sarili hanggang sa mayakap niya ito. Napatigil si Trey at napatingin kay Ash. May pagaatubiling nilagay ni Trey ang kaniyang mga kamay sa likod at balikat ni Ash.

Nararamdaman ni Trey ang paghahagulgol ni Ash habang ang mukha nito’y nakasandal sa kaniyang dibdib. Nararamdaman niya ang init ng luha ni Ash; ang kaniyang T-shirt ngayo’y basa na ng luha. Habang niyayakap ni Trey si Ash, naisip niya si Trish. Katulad ni Trish, tila bagang kailangang pag-ingatan nang mabuti si Ash.

Nagunita ni Trey ang karanasan na matagal na niyang hindi nagagawa: ang makapiling ang isang tao. Ngunit, nanumbalik ang isip ni Trey sa reality nang maalala niya na si Ash pala ang kaniyang niyayakap.

But why do I think of her when you’re in my arms? But why do the two of you feel so similar?”, tanong ni Trey sa sarili habang yakap si Ash.

Dahan-dahang tinanggal ni Trey ang kaniyang mga braso sa pagkakayakap kay Ash, at binalik ito sa pagkahiga sa kama.

“Sorry. Naiyak ako. Hindi ko napigilan. Hindi ko na kasi maintindihan. Ang daming nangyayari. Ang sakit. Ang sakit, sakit”, sabi ni Ash nang nanginig ang boses dahil sa pag-iyak.

Hindi umimik si Trey. Lumipas ang ilang sandali at humupa ang pag-iyak ni Ash.

“Yung soiree. Kailangan mong pumunta. Tutugtog ka pa diba?”, patuloy na pag-alala ni Ash.

“Yeah I know. I’m sure they can find another guitarist for the night.”

“Si Ceres, naghihintay siya.”

“Ceres, Ceres. Oh shit, Ceres”, nagmamadaling tumayo si Trey at kinuha ang iPhone at tinawagan si Ceres.

~~~

Bumalik si Trey at tinanggal ang kaniyang damit na ngayo’y basa na ng luha ni Ash. Tinitigan ni Ash si Trey habang ito’y nagpapalit ng damit.

Tinabihan ni Trey si Ash sa kama.  

“I’m going to stay with you. I’ve explained the entire thing to Ceres”, paliwanag ni Trey.

“Huh? E ano sabi niya? I’m sure, super disappointed siya”, pag-aalala ni Ash.

“Yeah she blurted out expletives at the start. Then huminahon naman siya after a while. She actually wanted to come here, but I told her na ‘wag na lang siya pumunta. I plan to call her from time-to-time to update her on your condition. She’s really worried about you.”

“E yung mama kanina? Paano kung balikan ka niya?”, pahabol na tanong ni Ash.

“No, he won’t. CCTV remember? His face, his car’s plate number, recorded lahat ‘yon. He can’t be so stupid to come back. Nag-file na rin ng report ang security. Kinausap ko na rin ang mga tanod. Sorry, kaya ako natagalang bumalik”, sagot ni Trey.

“Oo, kampante ka na ngayon, pero di mo rin naisip ‘yon nung ‘andun tayo sa Batangas”, ani Ash na tila kinukutya ang kasiguraduhan ni Trey sa kaniyang naiisip.

“Iba naman ‘yon. Ako naman ‘yung gago dun”.

“Buti alam mo”, sabay ngiti ni Ash.

“Bakit mo ba kasi talaga kailangang gawin ‘yon? Tignan mo tuloy ang nangyari”, patuloy ni Ash na nawala ang ngiti at tila bang naawa sa sarili. Inakbayan ni Trey si Ash.

Lumipas ang ilang minuto ng katahimikan at sumagot si Trey. “When the love of your life is about to go to the other side, and may last chance ka, just this one last chance at love, won’t you grab that?”, tanong ni Trey kay Ash.

Hindi umimik si Ash. Isinandal ni Ash ang ulo sa kanang dibdib ni Trey.

“Probably you haven’t experienced how it is to love someone so much. Darating ‘yon sa buhay mo Ash, at mararanasan mo ‘yon. You just haven’t found that person yet”, paliwanag ni Trey.

Napalingon si Ash kay Trey.

“Mahal mo talaga si Trish noh?” tanong ni Ash.

Lumipas ang ilang sandali na mistulang hindi kikibo si Trey.

“I don’t really know anymore”, sagot ni Trey. Hindi umimik si Ash.

“Ano ba ang pag-ibig para sa’yo Ash?”, biglang tanong ni Trey.

“Siguro siya yung naguudyok sa isang tao na protektahan ang taong mahalaga para sa kaniya. Siya yung dahilan kung bakit, minsan, uunahin mo pa siya kahit hindi mo na kayang asikasuhin ang sarili mo. Kasi, gusto mo siya mapasaya…”, at humikab si Ash at pinikit ang mga mata.

Nanatili si Trey na inaakbayan si Ash at si Ash na nakasandal sa dibdib ni Trey. Pagkatapos ng ilang sandali, dahil siguro sa labis na pisikal at emosyonal na pagod bunga sa mga nangyari ng araw na iyon, nakatulog si Ash.

Pinanuod ni Trey ang dahan-dahang pag-akyat at pagbaba ng dibdib at tagiliran ni Ash habang ito’y natutulog. Nararamdaman niya ang init ng pisngi at ulo ni Ash na nakasandal sa kaniyang dibdib. Pinakinggan niya ang palalim at palalim na paghinga ni Ash habang tulog ito.

Dahan-dahang tumayo si Trey at nilagay ang unan sa ilalim ng ulo ni Ash. Nilapit niya ang kaniyang kamay sa mukha ni Ash at dahan-dahang hinawakan ang pisngi nito. Tumakbo sa kaniyang isip na halikan si Ash. Ngunit tila bagang may kamay na pumatong sa balikat ni Trey at inawat siya sa kaniyang binabalak.

What the hell am I doing? This is Ash. This isn’t Trish. This is a guy, not a girl. What is happening to me?” pagtataka ni Trey sa kaniyang sarili.

~

Naniniwala ba kayo sa 'that thing called' tadhana? 

Mukhang pinagtagpo at patuloy na pinagsasama sina Ash and Trey ng mga samu't saring kaganapan. Nakita natin kung gaano kahanda si Ash protektahan si Trey, kahit mailagay na sa panganib ang kaniyang sariling kaligtasan.  Nakita rin natin kung paano lumambot ang pakikitungo ni Trey kay Ash, at ngayo’y mayroon na siyang nakakaibang nararamdaman para rito! Ngunit sa bandang huli, may mga pag-aalinlangan si Trey sa kaniyang mga damdamin.

Ipagpapatuloy ba ni Trey ang paglago ng kaniyang damdamin para kay Ash, o siya ba’y magbibitiw? At ano naman kaya ang magiging epekto ng mga makabagbag-damdamin  na pangyayari sa murang isipan at puso ni Ash? Abangan sa Chapter 7 na nakatakdang ilathala sa November 17.

Samantala, inaanyayahan namin ang mga readers na mag-iwan ng kanilang mga kurukuro, mungkahi, o anumang uri ng opinyon sa comments section sa baba. Nais namin marinig ang inyong boses.

Next Harana Chapters: