Thursday, October 08, 2015

Harana Chapter 4: Fixing A Broken Bike

Past Harana Chapters:

      * Chapter 1  

      * Chapter 2

      * Chapter 3



Harana Chapter 4:
Fixing A Broken Bike



"Sasakay din naman pala e," bulong ni Trey sa sarili.

Matagal ang biyahe. Tahimik ang dalawa. Nagpa-tugtog ng music si Trey para mapatid ang katahimikan. Nakatulog si Ash. Paminsan-minsan tinitingnan ni Trey ang kaniyang pasahero habang ito'y natutulog. Napaisip siya kung bakit ba ito sobrang nainis sa trip niya na para sa kaniya'y balewala lamang.


Gabi na nang nakarating sila sa UP Diliman. Pagmulat ng mga mata ni Ash ay sumalubong sa kanya ang nakabihasnang karimlan at panatag na campus kapag gabi. Inunat nito ang kaniyang mga braso at huminga nang malalim.

"We're here." sabi ni Trey.

Hindi agad sumagot si Ash dahil iniisip niya kung ano ang mga huling sasabihin nito habang nakatingin sa labas taliwas sa direksyon ni Trey.

"Hey, are you going to get off or what?" sabi ni Trey.

"Sige. Salamat sa paghatid,” ang malumanay na sagot ni Ash. Lumabas ito sa sasakyan at sinara ang pinto. Dahan-dahan siyang umakyat sa hagdanan patungo sa dorm.

May bumusina mula sa likod. Napalingon si Ash.

"Hey!"

“Ano na naman kaya ang sasabihin nitong kumag na 'to,” bulong ni Ash sa sarili.

"I still own you."

"Kung anuman ang ibig mong sabihin diyan, ewan. Whatever! Umuwi ka na!" ani Ash, sabay irap at  biglang talikod na nagmadaling umakyat ng hagdanan papasok sa dorm.

~~~

Halos alas-diyes na ng gabi nang makarating si Trey sa tinutuluyan niyang condo sa Katipunan. Nagtimpla ito ng kape at umupo sa sofa. Dinukot niya ang kaniyang iPhone sa bulsa: 24 unread messages.

Mga message mula kay Anton at sa iba pang mga bandmates at may meeting pala sila ngayon para pag-usapan ang mga gigs nila for next month; natuloy naman ang meeting kahit wala siya.

Mga messages mula sa kaniyang thesis adviser: deadline na rin pala ng unang draft ng proposal kanina, at nawala sa isip niya ito.

“OK, I’ll just finish this tonight,” sabi niya sa kaniyang sarili.

Habang nag-iisip ng maisusulat, umaalingangaw sa pandinig at isipan ni Trey ang mga salita ni Ash--“Kung hindi ka naniniwala sa pagmamahal, pwes ako oo!”

Napaisip siya tuloy: totoo nga bang hindi siya naniniwala sa pag-ibig. Ano nga ba ito? Pinilit labanan ni Trey ang mga boses sa kaniyang isip. Ibinaon ni Trey ang kaniyang mukha sa kaniyang mga palad. Hinawi ng kaniyang mga daliri ang kaniyang buhok. Tumayo’t naghubad para maligo.

Pagkaligo ni Trey, naisipan nitong tapusin na lamang ang draft. Binuksan niya ang laptop para tapusin ang naumpisahang sanaysay. Halos mag-aala una na ng madaling araw nang naisipan niyang tama na ang ginugol niyang oras sa pagpapaganda ng proposal. Ngunit hindi pa siya masyado inaantok.

Muling bumalik ang boses ni Ash. Mistulang nasa loob lamang ng kuwarto si Ash na sinasambit ang mga linyang ngayo’y tumatakbo sa kaniyang isipan. Napabuntong-hininga na lamang ito at humiga sa kama’t binuksan ang gallery ng kaniyang iPhone. Napunta siya sa litrato niya na may kasamang babae - tsinita, maputi, mahaba ang buhok, maganda ang ngiti, matangos ang ilong - ang kaniyang ex na si Trisha Tan.

Nag-swipe ulit ng phone si Trey at nakita ang litrato ng kaniyang mga magulang--dati pa ito, noong grade 1 pa lang siya. Hawak-hawak niya ang kamay ng nanay at tatay na pinapagitnaan siya habang nakangiti silang tatlo.

Huminga nang malalim si Trey. Pumunta sa messages, at nakita ang mga unread messages mula sa ina. Kinakamusta lang naman siya. Pinapaalala na huwag kalimutang bayaran ang mga power at water bills, dahil napadala na ang perang pambayad sa kaniyang bank account.

Matagal nang hiwalay ang magulang ni Trey. Nasaksihan niya bilang bata ang matinding alitan ng kaniyang ama’t ina. Nagkaroon ng kasiping ang kaniyang ama na labis na ikinagalit ng kaniyang ina. Buhat noon, nag-iba na ang pananaw ng kaniyang ina sa mga bagay-bagay. Kung dati-rati’y matimyas ang paggabay ng ina nito sa kaniyang pag-aaral, ngayon, ay madalas na lamang siyang pinapabayaang mag-isa. Madalas din siyang binubulyawan ng kaniyang ina tuwing nilalapitan niya ito para makipag-usap at magpaturo. Ang ama naman niya’y madalas wala sa bahay, at ilang beses lamang sa isang taon dumadalaw para ipasyal siya’t bigyan ng mga regalo.

Nagkaroon ng puwang sa pagitan ni Trey at kaniyang mga magulang. Mula noon, natuto siyang umasa sa sarili.

Malaki ang bahay nila Trey sa Ayala Heights. Dalawa lamang sila ng kaniyang ina na nakatira rito, at madalas nagmumukmok lamang ito sa kaniyang kuwarto: a house that is quiet as it is empty, ang madalas ilarawan ni Trey sa kanilang tahanan.

Ang ina’y nilayon ang pagtatatag ng magandang kinabukasan para sa sarili at para kay Trey.  Mula sa munting tindahan ng alahas sa Greenhills na minana ng ina ni Trey mula sa kaniyang lolo't lola, nakapagtatag siya ng sariling linya ng mga alahas na nakilala sa buong mundo. Bilang jewelry designer, ang kaniyang mga koleksyon ay madalas na pinag-uusapan sa mga tanyag na magazine sa Pransya at tinatangkilik ng iba’t ibang mga tanyag na tao sa Europa at Amerika.

Bagama't sinusustentuhan pa rin naman sila ng ama, hindi pumayag ang kaniyang ina na umasa lamang sa tinuturing niyang taong nagtaksil sa buhay nilang mag-ina. Si Trey naman ay nakagawiang halukayin ang mga vinyl records ng ama at madalas pinapatugtog ito. Paborito niyang patugtugin ang Led Zeppelin at Carlos Santana records. Inaawit niya ito at nagkukunwaring gumigitara sa hangin.

Bumuti naman na ang disposisyon ng ina ni Trey, ngunit hindi na nanumbalik ang dati nilang relasyon. Pagdating ng hayskul, nakahiligan niyang maglaro ng football, at naging bahagi siya ng varsity team. Madalas din sumali sa mga awitan si Trey.

Sa ika-14 na kaarawan ni Trey, binili niya ang una niyang gitara--gamit ang kaniyang ipon mula sa mga allowance at sa aginaldo ng mga magulang. Nagpatulong siya sa music teacher niya sa hayskul na makahanap ng isang batikang guro para gabayan siya. Nag-enroll si Trey sa UP College of Music Extension Program at mabilis niyang natutunan ang mga pundasyon ng classical at modern guitar playing.

Kahit naman hayskul pa lang ay sikat na si Trey. Dati pa niyang gustong magtatag ng sariling banda, at masusi niyang binuo ito kasama ng mga malalapit na kaibigan. Nang nagtapos ng hayskul si Trey at pumasok sa UP, karamihan ng mga ibang miyembro nito ay sumunod din na mag-aral dito.

Nag-swipe ulit sa gallery si Trey. High school graduation. Kasama ang ina’t ama. Pumapagitna pa rin siya sa dalawa--ang pinagkaiba lang ay siya na ang pinakamatangkad sa litrato: nawala na ang ngiti ng ina, ang ama naman ay bahagyang nakatawa. Siya naman ay nakangiti ngunit hindi kita ang mga ngipin.

Bumalik siya sa litrato nila ng ex niya--si Trisha Tan, isang lecturer sa College of Fine Arts. Guwapo naman si Trey kaya madali lang para sa kaniya ang makahanap ng kasintahan. Ngunit sa mga naging kasintahan ni Trey, walang papantay kay Trisha. Mahal na mahal niya ito--sa totoo lang, gusto nga niyang pakasalan si Trisha at makasama habambuhay. Ngunit hindi matanggap ni Trey nang sinabihan siya ni Trisha nang isang araw na tapos na ang kanilang pagkakakilala. “Nakababata ka at kailangan mo mag-focus sa school at sa banda, at kailangan ko naman maging mas praktikal,” paliwanag sa kaniya ni Trisha.

Ngayo’y ikakasal na si Trisha sa isang lalaking nanggaling sa isang makapangyarihang pamilya na nagmamay-ari ng ilang malalaki’t tanyag na mga kumpanya. Ang hindi matanggap ni Trey ay ang matinding sakit na naidulot ng banayad at walang kahirap-hirap na rejection ni Trisha sa kaniya: “It was so easy for her to let me go,” ang matunog na linyang tumakbo sa isipan ni Trey.

Tumunog muli ang iPhone ni Trey: mga Facebook notification naman. Binuksan ni Trey ang kaniyang Facebook at habang nag-browse siya ng kaniyang News Feed, lumabas sa “Recommended Friends” si Ashton Marquez. Tiningnan ni Trey ang profile: naka-private naman ito, maliban sa mga ilang litrato kasama ang mga magulang, at ang munting bahay na nag-iisa sa gitna ng bukid. May malaking bundok sa background. “I’m not going to add this guy,” sabi ni Trey sa sarili, pagkatapos tingnan ang profile ni Ash.

Tumayo si Trey para uminom ng tubig. Naisip niya ang ginawa niyang pahirap sa baguhang freshman. “Yeah I know. I was tough on him,” isip isip ni Trey.

“Kung hindi ka naniniwala sa pagmamahal, pwes ako oo!”--umalingangaw muli ang sinabi ni Ash sa tenga ni Trey. Hinigpitan ang hawak nito sa baso.

“He doesn’t know what I’ve been through. I’ll prove you wrong, Ashton Marquez!”

~~~

Alas-otso ng umaga nang lumabas si Ash para makaabot sa 8:30 class niya. Algebra and Trigonometry ang unang klase niya para sa araw na iyon. Naglakad ito papunta sa labas kung saan nakaparada ang kaniyang bisikleta.

Napahinto si Ash at lumaki ang mga mata nito nang may makitang baon na nakabalot ng mantel sa luob ng basket ng kaniyang bisikleta.

“Wow, ano ito!?”

Dahan-dahang sinuri ni Ash ang package. Natanto niya na pagkain ang laman nito. Tinanggal ang mantel at binuksan ang takip. Ang laman ay omelette at guisadong patatas. Mabango at mukhang masasarap ang sangkap na ginamit sa pagluto nito.  

“Wow! Ang sarap nito.” napangiti si Ash habang iniikot nang dahan-dahan ang baunan.

Nawala ang ngiti ni Ash at biglang naisip na baka may nakaiwan lamang. Bumalik ito sa dorm, at kinausap si Kakai, ang dorm custodian.

“May nakaiwan po ng pagkain sa basket ng bisikleta ko,” sabi ni Ash.

“Aba, ang suwerte mo naman,” sagot ni Kakai na nakangisi.

“Baka naman may nakaiwan po sa kanila.”

“Ano ba ang nasa loob?”

Binuksan ni Ash ang lunch box at pinakita sa dorm custodian.

“Wow. Malamang walang tagarito ang makakapagbaon nang ganiyan. Kung kay Aling Luding naman, e hindi naman ganiyan ang luto ‘nun!”

“Ah, eh…”

“May secret admirer ka, Ash! Hindi ba nakakakilig ‘yun?”

“Ano po?”

“May gumawa ng baon na ‘yan para sa iyo. Pinaghirapan. Nilagay nang palihim sa basket ng bisikleta mo. Malay mo nandiyan lang siya sa labas naghihintay. Nagtatago lang,” sagot ni Kakai na mistulang kinikilig sa mga sinasabi niya.

“Ah...eh...wala naman po akong kilalang magkakagusto sa akin at gagawa ng ganito.”

“E kung ayaw mo, e akin na lang.”

“Baka naman po hindi para sa akin ‘to kung ganu’n.”

“Ash, ikaw lang at si Ka Popoy ang tanging nagbibisikleta sa dorm na ito. Pareho kasi kayong laki sa bukid! Hehe! Hindi magkakamali ang taong iyon na maglagay sa kaniyang bisikleta. ‘Asa likod ang bisikleta niya at neon green ang kulay ‘nun! Haller!”

“E baka kay Ka Popoy po?”

“Ewan! Akin na ‘yang baon mo kung ayaw mo!”

Napangiti si Ash at hindi sumagot sa kantiyaw ni Kakai.

“Ah sige Ate Kakai. Mauna na po ako.”

Bumalik sa labas si Ash at tumungo sa bisikleta. Nagulat siya nang nakita niya si Estrella Monella sa basket ng bisikleta.

“Estrella Monella…”

Tiningnan lang siya ng pusa habang nakaupo sa basket.

“Umalis ka diyan, kailangan ko nang pumasok!”

Mabilis na tumalon mula sa basket ang misteryosong pusa na parang naiintindihan kung anong sinabi ni Ash. Ngunit hindi ito tumakbo paalis. Umupo lang ito sa harapan ng bisikleta at pinanood si Ash na umangkas dito.

Kahit anong padyak ni Ash, ayaw gumalaw ng bisikleta.

“Putik, ano bang nangyayari?”

Yumuko si Ash para siyasatin ang bisikleta. Nakita niyang nadiskaril ang drive chain sa kinakabitan nitong mga enggranahe.

Late na ako. Bahala na kung paano ito!” sabi ni Ash sa sarili. Napatingin ito kay Estrella Monella. “Ikaw kasi eh!” sabay iwan ni Ash sa bisikleta.

“Meow!”

Tumakbo na lang si Ash patungo sa sakayan ng jeep.

~~~

Lumipas na ang buong araw at tapos na ang klase ni Ash. Lumabas ito sa pinto ng lecture hall, humihikab. Dinukot niya ang cellphone para tingnan ang orasan, at nakita niya na may natanggap siyang isang message.

“I’m under the waiting shed by CAL. Meet me here.”

Nanggaling kay Trey ang message. Lumambot nang bahagya ang mga tuhod ni Ash dahil sa nabasa. Nabuo sa isip niya ang larawan ni Trey na nag-aabang sa shed, walang kurap ang mga mata, handang magpagawa ng mga pabor na pahirap sa buhay niya. Lalo pang dumagdag sa mga iniisip ni Ash ang posibleng maging bunga ng mga linyang nasamabit niya kay Trey kahapon.

Nangangambang bumaba sa hagdanan ng AS si Ash patungo sa Faculty Center at naglakad papunta sa nasabing lugar. Natanaw niya si Trey sa isang sulok ng shed na nag-aabang--malayo sa hanay ng mga estudyanteng nakapila para makasakay ng jeep sa kabilang dako nito.  Napalunok si Ash at tumawid ng daan papunta sa kinatatayuan ni Trey.

Tumabi si Ash kay Trey sa ilalim ng shed. Walang imikan ang dalawa, hanggang sa nagtanong si Trey, “What do you think is the reason I called you out today?”

Hindi muna sumagot si Ash. Iniisip ang mga isasagot.

“May balak kang ipagawa ulit. Tama ba?”, malumanay na tanong ni Ash.
No. It’s not that. I just want to tell you something.

Naguluhan si Ash sa kaniyang mga narinig. “Ano naman kaya ang gusto niyang sabihin sa akin”, bulong ni Ash sa kaniyang sarili.

“You told me that I don’t believe in love right?”

Nag-isip si Ash ng sasabihin; ngunit, nanumbalik sa kaniya ang inis na naidulot ng kahiya-hiyang pag-gatecrash sa kasal kahapon.

“Mukha namang hindi ka naniniwala sa pag-ibig, lalo na dahil sa pinakita mo kahapon. Para ka lang gago, sisigaw at gagawa ng eksena sa isang kasal lalo’t lalo na di mo pala sila kakilala .”

“I’ve loved someone before. But she let go of me and loved someone else. That guy she married should have been me.

Hindi nakasagot si Ash sa kaniyang narinig. Alam niyang nagkamali lamang si Trey at ibang kasal ang nabulabog nila. Ngunit hindi niya maintindihan ang dahilan ng di-inaasahang pagtatapat ni Trey sa kaniya. Sa isang banda, napakahirap pakisamahan ni Trey; ngunit, sa kabila nito ay may malalim na dahilan kung bakit ganito ang pinapakita niyang ugali.

What did you have for lunch today?” tanong ni Trey kay Ash.

“Ah..eh...nakakapanibago nga e. May nagbigay ng baon sa akin ngayon. Pagkalabas ko ng dorm at pagkarating ko duon sa bike ko, nakita ko may pagkain sa basket. Hindi lang ako makapaniwala kung sa ’kin talaga.”

Did you finish it?

“Ah...kasi nga, hindi ko talaga alam kung kanino nanggaling ‘yon, at ayaw ko naman mag-solo dahil hindi ko naman binili ‘yon...kaya pinaghatian na lang namin ni Ceres kanina.”

Is that so? How about your bike? Everything good with it?

Napatigil si Ash sa tanong ni Trey. Nagtataka na si Ash kung bakit parang may kakaibang alam si Trey--mukhang mayroong kinalaman sa pagkasira ng bisikleta niya kaninang umaga at nang bumalik siya ng hapon bago mag-PE ay biglang ayos na ito.

“Nagtataka nga ako...bakit OK na yung bike ko…”

“Hindi ka ba nagtaka who would have fixed your bike? Ano yan, self-regenerating?”, sagot ni Trey.

Hustong nagulat si Ash at nararamdaman niya ang pagtibok ng kaniyang puso.

“Paano mo nalaman ang mga bagay na ito? Ang ibig sabihin mo ba Trey….ikaw ang...”

“Oo Ash. I fixed it.”

“Trey…” ani Ash na sa ngayo’y damang-dama na ang init ng pagdaloy ng dugo sa kaniyang tenga’t mukha at ang bumibilis na ritmo ng kaniyang dibdib.

“Let’s just say you’re wrong, Ash. I do believe in love.”

Walang masagot si Ash sa sinabi ni Trey. Mistulang nagbago na ang pananaw ni Ash sa pagkatao ni Trey.

Dumating si Ceres, pipila sana sa sakayan ng jeep. “Hey guys, magkasama pala kayo. What’s up?”, tanong ni Ceres.

~
Akalain niyo palang may soft side ang ating Mr. Popular? Not to mention, a dark side as well. At bukod dito, sa kabila ng kasikatan ni Trey, ano ang pakay niya kay Ash at kailangan niyang mapatunayan dito na alam niya ang kahulugan ng pag-ibig? Ngayo’y nabunyag na ito sa murang isipan ni Ash, marahil napaka-exciting ng mga susunod pang kaganapan sa pagitan ng ating dalawang bida.

Abangan ang mga kasagutan sa mga tanong na ito sa Chapter 5 na ilalathala sa October 21.

Next Harana Chapters:

      Chapter  

      * Chapter 6

      * Chapter 7

      * Chapter 8

      * Chapter 9

      * Chapter 10