Tuesday, September 08, 2015

Harana Chapter 2: That's What Friends Are Four


Past Harana Chapters:

     Chapter 1 





Harana Chapter 2: That's What Friends Are Four

I own you now.

Umalingawngaw sa isipan ni Ash ang bantang ito habang naglalakad sa maingay na pasilyo ng AS.  Para bang wala siyang ibang naririnig na salitang nanggaling sa banda ni Trey sa freshie concert kinagabihan. Mukhang kilalang-kilala ang banda—naaalala niyang “Ready, Aim, Fire” ang pangalan, ngunit mas tumatak sa kanya ang presence ni Trey habang kumakanta. Mistulang galing sa kaluluwa ang boses niya at halos makalimutan na ni Ash na inaaway siya nito. Halong galit, pagkahanga, at takot ang nasa isip ni Ash pagbaba niya ng hagdan papunta sa bike rack ng AS basement.

Kung magkita kami, di ko alam ang gagaAAH...

Lumagpas sa hakbang ang paa ni Ash at dumulas siya sa hagdan, bumagsak nang paupo sa sahig nito’t tumilapon ang mga gamit niya sa paligid.

“Aggh. Pwet ko…” sabay masahe ni Ash sa kanyang bugbog na likuran.

“Shet! Okay ka lang?”

Lumingon si Ash sa kinauupuan niya’t napansin ang isang babaeng papalapit sa kanya. Nabigla si Ash sa kanyang kagandahan. Kapansin-pansin ang pula niyang buhok na para bang ibinagay sa flame trees ng UP. Nakabihis siya ng maitim at maluwang na plaid shirt at butas-butas na skinny jeans. Ngunit itinatago ng kanyang damit at matingkad na buhok ang mala-anghel niyang mukha—malambot na pisngi, pula’t matabang labi, at bilugang mga mata na kumikislap kahit sa dilim ng hagdan sa AS basement. Iniabot niya ang kanyang kamay at tinulungang tumayo si Ash.

“Shucks, parang you need more help.” Sumunod naman ang isang babaeng blue ang buhok at nakablusa’t palda na pinalamutian ng mga mukha ni Daffy Duck. Yumuko siya’t kinolekta ang mga nagsitapong school supplies ni Ash.

“Dami mong ballpen, dude,” puna naman ng isang malaki’t bruskong lalakeng naka-simpleng maong at T-shirt na may pato rin ang print. Itinayo niya ang mga bisikletang kanilang pinanggalingan at lumuhod para pulutin ang mga nagkalat na panulat.

“Ah, e, salamat…” imik na lang ni Ash, pag-abot sa kanya ng kanyang gamit.

“Gosh, you’re bleeding o!” Sabay turo sa binti niya ng mala-anghel na babaeng may pulang buhok.

Hindi namalayan ni Ash na may namumula na siyang sugat. “A, oo nga.” Pinahid niya ang kaunting dugo’t dumi roon nang hatakin ang kanyang braso.

“Girlie, di ba may first aid kit tayo sa tambayan?” tanong ni mala-anghel kay babaeng blue-haired.

“May Betadine ata tayo roon. Uy, napansin niyo bang yellow na yung lalagyan niya at di na green?” ika ni Girlie.

“Oo nga e, pero red pa rin yung laman, di ba? Anyway,” binalik ni mala-anghel ang tingin niya kay Ash at binigyan siya ng nag-aalalang tingin. “Baka ma-infect iyan.”

“A e, okay lang ako,” at nagsimulang maglakad  si Ash palabas. Sinubukan niyang itago ang nararamdaman niyang sakit sa hita nang biglang lapitan siya ng lalake’t buhatin. “Uy, teka!”

“Nope.” Inilagay siya ng lalake sa basket ng isang bisikleta roon. “Masyadong marami kang pen at school supplies at galing kang AS, so sigurado akong freshie ka. Anong klaseng mga isko kami kung di namin tutulungan ang nagdudugong kapwa namin iskolar ng bayan?” sabi niya, sabay tapik sa likod ni Ash.

“Halata ba?” hiyang sagot ni Ash.

“Medyo lang,” tawa ni mala-anghel, habang papalapit sa bisikleta niyang kumakarga kay Ash. “Lakas mo na pala, Jerson a. At may speech pa!”

“Naman. Iyan ang gusto ni babe.” Hinalikan ni Jerson sa pisngi ang nobyang si Girlie at binuhat papalapit sa kanyang bisikleta.

Napangiti’t namula nang bahagya si Girlie. Hinawakan niya ang kanyang blue na buhok. “Watch the hair, babe.”

Nagtangkang tumayo si Ash sa pagkasampa sa basket ng bisikleta bago siya huminto’t lumingon sa mala-anghel na babaeng handa nang pumadyak. “Okay lang talaga ako, miss,” tahimik niyang sinabi.

“Wala kang choice. Masakit yung pwet mo. Narinig kita,” tahimik at pangising sagot ng babae. “At di ka naman nagmamadali. Napansin ko nung pababa ka ng hagdan. Clumsy ka lang talaga.”

“Pasensya naman. Hehe.” Kinamot ni Ash ang kanyang batok sa hiya. “Wala na nga akong klase, actually. Tinitignan mo ako kanina?”

“Ah. Um. Ah. Uy, you’re really bleeding na, o.”

Napatawa si Ash at napahagikgik na rin ang babae. Di maiwasan ni Ash ang pagtingin sa kislap ng mata ng maliit at makulit na babaeng iyon, kahit nangangawit na ang leeg niya sa paglingon.

“Let’s go?” tawag ni mala-anghel sa kanyang kaibigan. “Let’s go?” tanong niya kay Ash.

“Let’s go.” Ngumiti si Ash.

Nagsimula ang mabagal na pagpadyak nila palabas sa acad oval, kung saan nagsisiliparan ang mga pulang talulot sa hangin. Bumulong ang babae kay Ash.

“My name’s Ceres pala. Psych, second year. And you are?”

~ ~ ~

“--a UP scholar! Congratulations, anak!”

Inaalala ni Ash ang sandaling iyon, nang malaman ng pamilya niyang may scholarship siya sa UP Diliman at lahat ng pinaghirapan ng magulang niya para sa kanya’y may dinulot din. Kahit ang pagpapadala man lang kay Ash sa testing center ay pinagkagastusan din nila nang walang sama ng loob. Naniniwala sila sa pabuyang gawa ng pagiging masikap at matiyaga, masinop at matipid. Never the easy way out, ika nga ng nanay niya. At madali lang ang mabaon sa utang, sabi naman ng kanyang tatay. Di nangungutang ang magulang ni Ash kahit kanino at tinularan niya sila hanggang pagtanda.

Pero may utang ka naman ngayon.

Pinagmasdan ni Ash ang kanyang cellphone. Wala pa ring text na dumarating.  Tinignan niya naman ang nag-uusap na mga kaibigan sa kanilang tambayan at napangiti. Dalawang linggo pa lang at inangking kaibigan na nina Ceres, Girlie, at Jerson si Ash kahit freshman pa lang siya’t sophomore sila. Swerte na lang niya’t iba’t iba ang kurso ng magbabarkada, kundi’t lalo lang siyang mao-OP sa samahan nila. 'Di siya sanay sa kaingayan, kaweirdohan, at panloloko nila sa isa’t isa. Natutuwa naman sila kay Ash sa kanyang pagkatahimik at pagkaseryoso.

“Ikaw pala iyong nakita ko no'n! Muntikan ka na kayang sagasaan ng gagong iyon! He should owe you, not the other way around.”

Di alam ni Ash kung may katotohanan ang sinabi ni Ceres, pero kahit papaano ay tinulungan siya nitong hanapin ang number ni Trey gamit ang mga kakilala niyang nag-ayos ng concert.

“You want to pay for my car. Good. I’ll give you the tasks I need you to do. Alalahanin mo: I own you.”

Simula ng paghamon na ito ni Trey ay naging parang alila si Ash sa kanya. Tagasulat ng notes, tagabili ng pagkain, tagahiram ng libro sa library—walang kinalaman sa kotse ngunit lahat ay ginagawa ni Ash nang matahimik lang si Trey. Nakakapasok sa klase’t nakakapag-aral pa rin naman si Ash at wala namang hinihingi o pinapagastos na pera. Kahit papaano’y may kaunting awa pa rin ang kanyang “amo,” kahit napapagod na rin si Ash. Inisip na lang niya na mas mabuting pagkatuwaan na lang siya ni Trey kaysa pagbayarin ng perang alam ni Ash na hindi niya mabibigay.

Magsasawa rin iyon. Tinignan uli ni Ash ang kanyang phone. Wala. Napabuntung-hininga siya nang lapitan siya ni Ceres at hawakan sa balikat.

“How are you doing?” Alam na nilang lahat ang nangyaring aksidente at ang pinaggagagawa ni Ash para kay Trey, kahit hindi pa nila nakita ito. Ngunit tuloy pa rin ang pangungulit at pag-aalala ni Ceres.

“College na tayo, Ash. Kahit sa mga frat at soro, ‘di na uso iyang ginagawa mo. Huwag kang magpapabully sa kanya.”

“Di ko maipaliwanag, Ceres, pero kailangan ko ‘tong gawin.”

“Mabuti naman,” sagot ni Ash, inaalala ang usapan nila nang binanggit niya ang mga “task” ni Trey. Alam ni Ash na gusto ni Ceres na tumulong at nakikita niya ang awa sa kanyang mata. Pero ayaw niyang kaawaan siya nito. Umupo si Ceres sa tabi niya’t pinanood nilang magharutan ang kanilang kaibigan sa kabilang bangko. Ginugulo ni Jerson ang buhok ni Girlie, at palarong inaaway niya naman ito. Napatingin sila pareho kay Ash.

“Mukhang tulala ka, Ash,” wika ni Jerson habang nakayakap kay Girlie.

“Oo nga. Nakakatulog ka ba? I’m sure stressful ang pagiging groupie ng Ready, Aim, Fire. Stressful ang kagwapuhan ni Trey e.” puna  ni Girlie sa likod ng kanyang blue bangs.

“A kagwapuhan ba!” Ginulo pa lalo ni Jerson ang buhok ni Girlie.

Napatawa na lang si Ash at Ceres sa kaguluhan. Nilapit ni Ceres ang kanyang kamay, hinawakan ang braso ni Ash, at sinalubong ang kanyang pagtingin. “I’m worried about you.”

“You don’t have to,” mahinang sagot ni Ash.

“Miao!”

Hinanap ni Ash ang tunog ng pusa at napansin itong dumaan sa tambayan. “Estrella Monella…” bulong ni Ash sa sarili.

Binigyan ni Ceres ng masamang tingin si Ash. “Alam mo yung pangalan ng pusa?”

Di na sinagot ni Ash ito nang mapansin niya bigla ang lalakeng papasok kasunod ng pusa sa PHAN.

Si Trey.

"Hey you. I've got another task for you. Come with me to a wedding", sabi ni Trey kay Ash. Tahimik lamang si Ceres at ang dalawang magkasintahan habang pinapanuod ang usapan ng dalawa - ang pagka-presko ni Trey at ang nahahalatang pagiging sunud-sunuran ni Ash sa kaniya.

"Ah..eh...kasal? Sinong ikakasal?"

~

Ano naman kaya ang mangyayari sa engkwentro ni Trey at Ash? Kaninong kasal kaya nagpapasama si Trey? At bakit kailangan niyang magpasama kay Ash?

Abangan ang mga kapana-panabik na kasagutan sa Chapter 3 na ilalathala sa September 23. 


Next Harana Chapters:

      * Chapter 3

      * Chapter 4

      * Chapter 5

      * Chapter 6

      * Chapter 7

      * Chapter 8

      * Chapter 9

      * Chapter 10